"Kabataan ang pag-asa ng bayan." wika ni Dr. Jose P. Rizal, ang ating Pambansang Bayani. Paano kaya masasabing ang kabataan ang pag-asa ng bayan kung ang sariling bayan mismo ng nag-kakait ng kaalaman sa kabataan? Naisip mo ba na kapag hindi ka nakapag-aral, magiging kawawa ka sa mundong ating kinagagalawan?
Sabi nila, ang edukasyon daw ang armas ng bawat kabataan upang maabot
ang kani-kanilang pangarap. Ngunit, paano nga ba nila ito makakamit kung
sa likod ng bawat kaalamang kanilang nakukuha ay nag-hahari ang salapi?
Masasabi mo ba sa sarili mo na kaya mong makapag-aral at abutin ang
iyong sariling pangarap?
Noong bata pa ako, hindi ko alam kung para saan nga ba ang edukasyon. Hindi ko alam kung bakit ako nag-aaral. Iniisip ko dati na trip-trip lang ang pag-aaral sa elementarya, na kapag mataas ang marka sa pagsusulit, eh edukado ka na. Hindi pala ganun yoon.
Sa aking paglaki, namulat ang aking muwang na isipan na dapat talaga tayong mag-aral. Ito ay hagdan tungo sa pag-tahak ng iyong simpleng pangarap na kung saan magiging makabuluhan ang buhay mo. Ngunit, tumatak sa aking isipan, patas nga ba akong lumalaban sa mundo? Paano ang mga batang hindi kayang mag-aral sa mga paaralan? Halos lahat ng aking kilala, eh hindi nakakatapos ng kolehiyo dahil sa balakid na armas sa likod nito, ang PERA.
Masasabi ko sa sarili ko na NAPAKAMAHAL ng EDUKASYON dito sa ating bansa. Napakamahal dahil limitado lang ang nakakaranas nito. Ang mga taong salat sa buhay ay hindi nabibigyan ng pag-asa magtagumpay. Tama nga ang sabi ng iilan, "Ang mayaman lalong yumayaman, at ang mahirap ay lalong humihirap." Hindi ko ito maitatanggi dahil ito ang katotohanan.
Hindi ko rin maitatanggi na ang iba sa ating kabataan ay TAMAD mag-aral kahit libre ang edukasyon sa mga pampublikong paaralan. Marahil, sumasagi sa isip nila na, "Ay, hindi naman ako makakatungtong ng kolehiyo, para saan pa at mag-aaral ako?" Maling-mali ang pahayag na namumuo sa ating iilang kabataan na ganito. Maraming paraan para tayo'y makapag-aral. Sa bawat lungsod dito, mayroong pampublikong kolehiyo ang nakatayo para sa hindi kayang makapag-aral sa mapangalang unibersidad gaya ng PLM (Pamantasang Lungsod ng Maynila) at PLV (Pamantasang Lungsod ng Valenzuela).
Sa iyong simpleng pangarap, laging kailangan ang edukasyon. Mahirap man maabot ngunit maraming paraan. Mag-aral ng mabuti at itatak sa isip natin na dapat mayroon tayong mararating sa buhay, na kaya nating tuparin ang ating mga mithiin sa kabila ng kahirapan ng buhay. Mamulat tayo sa isang kasabihan na, "Kung ayaw may dahilan, kung gusto naman maraming paraan." Tandaan natin, tayo ang gumagawa ng ating kapalaran, sa simpleng pag-bangon ng bayan ay dapat nag-sisimula sa ating kamay. Magsikap ka kaibigan at naniniwala akong kaya mong lagpasin ang unos ng buhay. Sa pamamagitan ng edukasyon, masasabi mo sa sarili mo na kayang kaya mo na ang hamon ng buhay.
"Masarap harapin ang buhay lalo na't alam mong kaya mo ito. Sa pamamagitan ng edukasyon, magiging madali ang lahat. Tamang sikap at gabay lamang kaibigan at naniniwala akong malalagpasan mo ito."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento